Tampipi

“Sa lahat ng nagpaantig, nagpasaya at nagbigay kulay sa dalawamput tatlong taon ng buhay ko, para sayo ang bawat titik ng isusulat ko sa pahinang ‘to..”

Taong 1991, nanonood ako ng paborito kong palabas na ’shaider; nagpalit anyo na si alexis mula tao nagi na siyang pulis pangkalawakan. Masayang masaya na ako at hinihiling ko na sana yung robot naman ang pang ‘finish him’ ni shaider kasi lagi na lang yung baril na gamit lang ng kamay niya ang madalas niyang pang ‘finish him’ at nagkatotoo ang hiniling ko sa itaas naging robot nga yung ’spaceship’ ni shaider, nang biglang magbukas ang pinto ng malakas at nagsisigawan si mommy at si papa. Hindi ko pinansin kasi mas importante sa akin ang pagiging robot ng spaceship ni shaider kesa sa nangyayari sa paligid ko sa mga oras na iyon. Tinira na ng robot ni shaider ang kalaban at ‘BOOM!’ patay ang kalaban.. Kasabay ng pagtira ng mga laser at baril ni shaider ang pagbato ni mommy ng mga kaserola at gamit ni papa sa pintuan namin habang umiiyak at sumisigaw nang ‘lumayas ka’. Nagbingibingihan na lang ako ng mga gabing iyon. Niyakap ko na lang ang kapatid kong babae na sa mga sandaling iyon ay isang taong gulang pa lamang at wala pang kaalam alam sa naghihintay na dapat niyang tanggaping katotohanan sa paglaki niya.

Nagtrabaho si mommy ginagawa niyang araw ang gabi para lang matustusan ang pangangailangan naming magkapatid. Dahil walang ibang matatakbuhan pinakiusapan ng mommy ko ang “Lola” ko na sa bahay na lang namin tumira at alagaan muna kami kasi hindi niya kami maasikaso gawa ng madami siyang trabaho at may mga seminar na pinupuntahan sa ibat-ibang lugar. Sa madaling sabi ang mommy ko ang parang naging ama at sumusuporta sa amin at ang lola ko na naman ang naging nanay naming magkapatid siya ang nag-aayos ng gamit ko pagpasok, siya nagluluto  at nagsusundo sa akin paglabas ko at habang nasa skwelahan ako e siya ang nag-aalaga sa kapatid ko na musmos pa lamang. 

“Family day na bukas dalhin niyo ang mama at papa niyo ng makita nila ang pinaghirapan at pinaghandaan nating kanta na ‘welcome to the family’” sabi ng aking guro na itago na lang natin sa panglang Ms. Par. Pagkalabas ko sinabi ko sa lola ko ang sinabi ng aking guro tapos pumunta na ako sa kama ko para pilitin at kumbinsihin ang sarili ko na panaginip lang lahat ng nakinig ko sa araw na iyon at hindi pa bukas ko kakantahin ang nakakaiyak na kantang ’WELCOME TO THE FAMILY” with matching actions pa at straight from the heart. Pagkamulat ng mata ko parang gusto kong ipikit na lang ulit at ayaw ko ng masilayan ang darating na araw pero hindi ko magawa napilitin akong pumasok pa rin at hintayin mag 4pm para magsimula na ang ’family day’. Sumapit ang 4pm may nagtanong sa akin na kaklase ko sabi niya, dadating ang mama mo? sabi ko oo dadating yun maya-maya lang. Ang papa mo dadating din? sabi ko oo dadating yun kasama ng mommy ko( ‘yun ang unang pagsisinungaling na ginawa ko sa buong buhay ko). At nagsimula na ang program nasa kalagitnaan na kami ng pagkanta ng dumating si mommy at kasama ang ninong ko sa binyag.. Pagkatapos ng family day sabi sa akin nung kaklase kong nagtanong ‘oo nga dumating ang mama at papa mo’, ’sabi ko naman sayo dadating e!!

Isang gabi may kumatok sa gate namin. Takot na takot kami kasi baka kung sinu e tatlo lang kami ng lola, kapatid kong babae at nagiisa pa naman akong lalaki pero grade 5 pa lang ako at hindi pa tuli sa mga panahong iyon. Anong magiging laban ko sa isang tuli na at matandang may armas pag nagkataon.

Sumigaw ako: ‘Sinu yan?!’

Sumagot din: ‘Papa mo ‘to’!’

Sabi ko kay lola na may halong galak at saya. Lola si papa pala!! Hindi gumalaw at umimik ang lola ko tapos ang kapatid ko nakayapos na nakayapos sa lola ka at takot na takot. Natuto ako ng ‘Read between the lines’..

Sumigaw ulit ang nasa labas: Papa mo to!! Gusto ko lang makita kayo at kakausapin ko mommy mo para mabuo na ulit tayo.

Gustong gusto ko yakapin ang papa ko at naalala ko nung bata pa ako na isinasama ako ng papa ko sa mga basketball games niya kasi basketball player siya dati. Tapos pag sumigaw ako ng dunk tlgang i-dunk niya at masayang masaya kami kakain pagkatapos ng game sa “Whimpy’s” ng burger. Pero nang makita ko ang reaksiyon at takot sa mga mata ng lola ko at ng kapatid kong babae. Sa di maipaliwang na dahilan sumigaw ako ng..

“Umalis ka na!! Wala dito si mommy at wala ka nang babalikan..”

At dahil sa narinig niya mula sa panganay niyang anak at inaasahan na siguro ako makakaintindi sa kanya, tumigil na siya ng pagkatok at pagtawag sa aming magkapatid ng marinig niya mula sa akin ang mga nabitiwan kong salita. Yun ang huling pag-uusap namin bilang mag-ama.

 

“I don’t live in either my past or my future. I’m interested only in the present. If you can concentrate always on the present, you’ll be a happy man. Life will be a party for you, a grand festival, because life is the moment we’re living now..”

                                                              -Paolo coelho, The Alchemist-