Kanlungan

“Sa mga kaibigan ko na kinalimutan ko noong panahon na masaya ako pero nung lugmok lugmok na ako eh hindi nawala sa tabihan ko para hawakan ang kamay ko sa kumunoy na ginawa ko para sa sarili ko..”

Ilatag na ‘to!!!

  • Kaklase ko na siya nung grade 5 pa lang ako. Asar na asar ako sa taong to kasi lagi ko siya kaklase tapos lagi siya ang “Most Diligent Student”. Hindi tuloy ako nakatikim ng pagiging “Most DIligent Student”!!!. Noong nasa 2nd year high skul kami hindi ko makakalimutan yung ginawa ko siyang piggy bank nagbibigay ako ng P20/day para makaipon at ng sa ganun e matupad yung pinaplano kong ‘date’ sa crush ko sa mga panahong iyon(Alam mo kung bakit ko naisipan na gawin kang alkansya? Hindi ha!! Mali ang iniisip mo!! Meron lang me alkansya that time na kulay flesh ayun naisip kita!! Joke!!). Naging Escort niya ako sa isang okasyon noong nasa kolehiyo pa siya kasi naman miyembro siya ng ‘No bf since birth’.. hehe.. Nadaya pa kami nung gabing iyon dahil kami dapat ang tatanghalin na ‘Mr. and Ms.’ Nang gabing iyon pero sa hindi maipaliwanag na dahilan at tulad ng nangyayari sa mga awards night e nadadaya ang tunay na nanalo.. hehe!! May special powers siya kasi isang tingin niya lang sa babae na makakasalubong namin alam niya kung type ko o hindi yung babaeng yun, bat ganun?!! Ang daya!! hehe.. Hindi ko matangap na mas madami siya alam sa akin pag dating sa isports kasi babae siya pero pag showbiz ang usapan maghanda ka alam ko lahat ng latest chika at kung sinu ang mga buntis sa mga teen stars ngayon. hehehe!! Pero seryoso salamat sa lahat ng tulong na ginawa mo, sa mga utang na hiniram ko para makapasok lang sa paaralan, sa mga na delay ko na pagbabayad sa utang, sa mga pakikinig sa mga paulit ulit kong kwento at sa 13 taon na pagkakaibigan. Salamat!!!
  • SINU ANG MAY SABI MAKAKATING LABI DI DI DI NAMAN TOTOO!!! Yan ang kanyang linya sa mga nagsasabing babaero siya.. hehehe!! SIya ang ‘Bestman’ ko. Pag sinabi niyang “akin ka” magiging sa kanya ka talaga ganun siya katinik kaya ingat kayo.. hehe!!! Kaya nga nung minsan na maglaro kami ng basketball at sinabi niya na ‘akin ka’ e natakot ako kasi baka nga matuluyan ako na mapa sa kanya.. waaa!! Mala congressman siya kung gumawa at sa huli aaminin niya din ang kanyang ginawa dahil hindi kaya ng kanyang konsensya, ows?! O hindi pa kaya ngayon ng bulsa pag malaki na ang kita na lang .. Joke!! parang congressman lang.. HaHaHa!!! Pinalitan niya na ang Nov.30 na dapat ay kay ANDRES BONIFACIO ginawa niyang ‘GUEVARA DAY’ ganun siya kalakas at pati ang history ng Pilipinas e kaya niyang baguhin. Isa siya sa dahilan kung bakit tumagal ng anim na taon ang una kong relasyon, ewan ko ba sa taong yan at mas malaki pa ang tiwala nung ‘girlfriend’ ko dati sa kanya kesa sa akin. Salamat sa pagtuturo mo sa akin ng kamunduhan noong magkasama pa tayo sa iisang kwarto at hindi pagtulong nung kinakailangan kita para maayos pa ang anim na taon!! Salamat ha!! hahaha!! Pero seryoso salamat sa lahat ng nagawa mo dati sa mga ginawa mong pagtatakip at pagpupuno ng pagkukulang ko dati. Sa mga Kwento na iyong binahagi.. Sa mga debate na pinagtatalunan natin minsan dahil sa ibat-ibang opinion natin at sa walang hanggang pagkakaibigan. Ikaw pa rin ang bestman sa magiging kasal ko kahit sinu pa ang iharap ko sa altar.. Pare pag wala ako naharap pwede bang ikaw na lang?! :-) )
  • Para siyang isang gulay na ‘pechay’ minsan sinasabi niya na magigi siyang mag-isa pag tanda kasi pwede naman kainin ang ‘pechay’ ng basta gulay lang at bigyan na lang ng sustansiya ang kapamilya niyang gulay tapos pag nagawa niya na ang parte niya bilang isang ‘pechay’ bigla na lang siyang maglalaho sa mundo, masaya na daw siya na ganun lang naging silbi niya sa mundo, pero pag isinama mo naman sa nilaga nakakalimutan niya pagiging ‘pechay’ niya at tuwang tuwa makita ang mga sangkap na kasama niya habang nasa isang mainit na kaserola at sabay sabay na pinapakuluan, pinapalambot at hinahalo. Tandaan mo ‘pechay’ na madami ka silbi at huwag mo ikulong ang sarili mo sa alam mo lang na gamit mo kasi pagpunta mo ng korea pwede ka nilang gawin isang ‘kimchi’!! hehehe!! Pero seryoso yan.. Hindi ko makakalimutan yung tuwing ika-siyam ng gabi na nasa isang sulok lang tayo at nagpapakalasing sa buhay tapos ginagawa nating pulutan yung mga wala sa inuman na yun.. HaHaHa!! Namimiss ko yung buong araw lang tayong magkatext kahit non-sense na ang ating pinag-uusapan para lang hindi masayang yung unlimited text natin noon. Pero kelangan nating maging ‘mature’ na kasi hindi na tayo nabata at alam naman natin na magkakanya kanya din tayo at magkakaroon ng sariling pamilya balang araw pero masaya ako nagkaroon ako ng isang ‘pechay’ sa buhay ko. Ang gulay na hindi ko makakalimutan kailanman.
  • Konting di pagkakaintindihan ang muntikan ng mauwi sa isang madugong suntukan. ‘Hawakan mo nga sa tenga kung matapang ka’ ang sabi ng katabi ko na lalong nagpainit sa tensyon ng gabing iyon.. Dahil nasa iisang barkada kami nagkikita pa rin kami pero plastikan lang na kamustahan ang nagaganap. Nang maghilom na ang sugat at pareho na kaming may bayag para kausapin at ayusin ang di pagkakaunawaan hindi namin akalain na mas higit pa sa inaakala namin ang mangyayari sa aming dalawa( naging kami!!!) Wahaha!!!. Pero seryoso pare kahit na hindi naging maganda ang impresyon natin sa isat-isa noon masaya ako at hindi ko aakalain na magkakausap tayo at magiging malapit tulad ng kung ano meron tayo ngayon. Salamat sa lahat ng naitulong mo di lang sa akin kundi sa barkada natin para maging masaya at hindi makakalimutan ang bawat tagpo natin bago ka lumipad sa lupang pinangako. Nawa ay mahanap mo dyan ang kasagutan sa lahat ng tanong na nasa isipan mo ngayon. Hindi ko makakalimutan ang pinanood nating palabas na “TULAD NG DATI” Isa yun sa napakaimportanteng ‘indie film’ na napanood ko na humaplos sa aking pagkatao. Mabuhay ka kaibigan!!!
  • Napakaperpektong tao nitong kasunod kong ikwekwento malamang kahit BLOG ko to magiging kanya na to pag inilagay ko pa ang larawan niya dito, kaya pasensiya na sa mga hihiling ng larawan niya konting respeto na lang dahil ‘BlOG’ ko naman to at hayaan niyo na ako naman ang maging bida dito hehehe!! “Perfect 10″, “IDEAL MAN”, “MR. DREAMBOY”, “PANGARAP KONG JACKPOT”, ” WOWOWEE”, “KAPWA KO, MAHAL KO” “PINOY POP SUPERSTAR” ganyan malamang ang masasabi na lang ng mga babae pag nakita niyo sa personal ang taong to, at kung lalaki ka naman mapapatanong ka na lang ng “BAKIT LORD?!” “NATUTULOG BA ANG DIYOS?!” tapos mapapadasal ka pa ng “3′O CLOCK PRAYER” ganun ang naramdaman ko nung maging kaibigan ko ang taong to. Kung medyo alanganin ka naman isa lang malamang ang masasabi mo ” UNITED AMERICAN TIKI TIKI”.. HAHAHA!! Pero mapunta naman sa seryoso salamat pare sa mga mga kwento mo at mga banat na nakakatawa. Nasabi sa akin ni repa minsan gusto mo talaga ako maging malapit na kaibigan kasi may nakikita kang kakaiba sa akin?! (Aba pigilan mo yan pare!! Sayang ka!! haha!!) Nawa ay maging masaya ka sa lahat ng ginagawa mo ngayon, nawa ay matagpuan mo na ang matagal mo ng hinahanap na kaligayahan at katahimikan. Huwag kang matakot sa darating na mga pagsubok, magdasal ka lang sa kanya at itaas mo ang kamay mo dahil pagmulat mo andun ako sa tabi mo para hawakan ang iyong mga kamay..
  • Si ‘Sir Yabang’ kung siya ay tawagin. Siya ang pinuno ng aming samahan na kung tawagin ay “Team III” sa hindi namin maipaliwanag na dahilan eh kung bakit siya ang naging lider nang aming ‘underground’ na samahan eh siya ang laging huli sa mga lakad at may sariling diskarte sa mga desisyon kelangan gawin. Makaraan ang isang taon nang pagiging lider nagulat ako ng makita ko ang malaki niyang pagbabago hindi na siya late lagi tulad ng reklamo ng lahat ng miyembro, siya pa ang laging una sa mga tagpuan at handang handa siya sa lahat ng kelangan ng grupo niya at mas sumarap pa lalo ang kanyang niluluto at malamang dahil binubudburan niya nang isang kilong pagmamahal sa nakaputing babae. Hehehe!! Kung may blog lang etong si ‘SIR YABANG’ malamang ang dami nitong kwento na ating susubaybayan kasi mas makulay ang kanyang buhay kesa sa atin sa karamihan dito. Halos pareho kami nang nangyari sa nakaraan na ayaw na naming mangyari sa hinaharap. Kaya inaasahan ko mula sa akin at mula sayo na huwag mong hayaan mangyari sa magiging anak natin ang mga naranasan na natin nung bata kasi alam natin kung gaano kasakit ang mawalan at madagdagan ng hindi natin kagustuhan..

Itutuloy…

Tampipi

“Sa lahat ng nagpaantig, nagpasaya at nagbigay kulay sa dalawamput tatlong taon ng buhay ko, para sayo ang bawat titik ng isusulat ko sa pahinang ‘to..”

Taong 1991, nanonood ako ng paborito kong palabas na ’shaider; nagpalit anyo na si alexis mula tao nagi na siyang pulis pangkalawakan. Masayang masaya na ako at hinihiling ko na sana yung robot naman ang pang ‘finish him’ ni shaider kasi lagi na lang yung baril na gamit lang ng kamay niya ang madalas niyang pang ‘finish him’ at nagkatotoo ang hiniling ko sa itaas naging robot nga yung ’spaceship’ ni shaider, nang biglang magbukas ang pinto ng malakas at nagsisigawan si mommy at si papa. Hindi ko pinansin kasi mas importante sa akin ang pagiging robot ng spaceship ni shaider kesa sa nangyayari sa paligid ko sa mga oras na iyon. Tinira na ng robot ni shaider ang kalaban at ‘BOOM!’ patay ang kalaban.. Kasabay ng pagtira ng mga laser at baril ni shaider ang pagbato ni mommy ng mga kaserola at gamit ni papa sa pintuan namin habang umiiyak at sumisigaw nang ‘lumayas ka’. Nagbingibingihan na lang ako ng mga gabing iyon. Niyakap ko na lang ang kapatid kong babae na sa mga sandaling iyon ay isang taong gulang pa lamang at wala pang kaalam alam sa naghihintay na dapat niyang tanggaping katotohanan sa paglaki niya.

Nagtrabaho si mommy ginagawa niyang araw ang gabi para lang matustusan ang pangangailangan naming magkapatid. Dahil walang ibang matatakbuhan pinakiusapan ng mommy ko ang “Lola” ko na sa bahay na lang namin tumira at alagaan muna kami kasi hindi niya kami maasikaso gawa ng madami siyang trabaho at may mga seminar na pinupuntahan sa ibat-ibang lugar. Sa madaling sabi ang mommy ko ang parang naging ama at sumusuporta sa amin at ang lola ko na naman ang naging nanay naming magkapatid siya ang nag-aayos ng gamit ko pagpasok, siya nagluluto  at nagsusundo sa akin paglabas ko at habang nasa skwelahan ako e siya ang nag-aalaga sa kapatid ko na musmos pa lamang. 

“Family day na bukas dalhin niyo ang mama at papa niyo ng makita nila ang pinaghirapan at pinaghandaan nating kanta na ‘welcome to the family’” sabi ng aking guro na itago na lang natin sa panglang Ms. Par. Pagkalabas ko sinabi ko sa lola ko ang sinabi ng aking guro tapos pumunta na ako sa kama ko para pilitin at kumbinsihin ang sarili ko na panaginip lang lahat ng nakinig ko sa araw na iyon at hindi pa bukas ko kakantahin ang nakakaiyak na kantang ’WELCOME TO THE FAMILY” with matching actions pa at straight from the heart. Pagkamulat ng mata ko parang gusto kong ipikit na lang ulit at ayaw ko ng masilayan ang darating na araw pero hindi ko magawa napilitin akong pumasok pa rin at hintayin mag 4pm para magsimula na ang ’family day’. Sumapit ang 4pm may nagtanong sa akin na kaklase ko sabi niya, dadating ang mama mo? sabi ko oo dadating yun maya-maya lang. Ang papa mo dadating din? sabi ko oo dadating yun kasama ng mommy ko( ‘yun ang unang pagsisinungaling na ginawa ko sa buong buhay ko). At nagsimula na ang program nasa kalagitnaan na kami ng pagkanta ng dumating si mommy at kasama ang ninong ko sa binyag.. Pagkatapos ng family day sabi sa akin nung kaklase kong nagtanong ‘oo nga dumating ang mama at papa mo’, ’sabi ko naman sayo dadating e!!

Isang gabi may kumatok sa gate namin. Takot na takot kami kasi baka kung sinu e tatlo lang kami ng lola, kapatid kong babae at nagiisa pa naman akong lalaki pero grade 5 pa lang ako at hindi pa tuli sa mga panahong iyon. Anong magiging laban ko sa isang tuli na at matandang may armas pag nagkataon.

Sumigaw ako: ‘Sinu yan?!’

Sumagot din: ‘Papa mo ‘to’!’

Sabi ko kay lola na may halong galak at saya. Lola si papa pala!! Hindi gumalaw at umimik ang lola ko tapos ang kapatid ko nakayapos na nakayapos sa lola ka at takot na takot. Natuto ako ng ‘Read between the lines’..

Sumigaw ulit ang nasa labas: Papa mo to!! Gusto ko lang makita kayo at kakausapin ko mommy mo para mabuo na ulit tayo.

Gustong gusto ko yakapin ang papa ko at naalala ko nung bata pa ako na isinasama ako ng papa ko sa mga basketball games niya kasi basketball player siya dati. Tapos pag sumigaw ako ng dunk tlgang i-dunk niya at masayang masaya kami kakain pagkatapos ng game sa “Whimpy’s” ng burger. Pero nang makita ko ang reaksiyon at takot sa mga mata ng lola ko at ng kapatid kong babae. Sa di maipaliwang na dahilan sumigaw ako ng..

“Umalis ka na!! Wala dito si mommy at wala ka nang babalikan..”

At dahil sa narinig niya mula sa panganay niyang anak at inaasahan na siguro ako makakaintindi sa kanya, tumigil na siya ng pagkatok at pagtawag sa aming magkapatid ng marinig niya mula sa akin ang mga nabitiwan kong salita. Yun ang huling pag-uusap namin bilang mag-ama.

 

“I don’t live in either my past or my future. I’m interested only in the present. If you can concentrate always on the present, you’ll be a happy man. Life will be a party for you, a grand festival, because life is the moment we’re living now..”

                                                              -Paolo coelho, The Alchemist-

Payaso

“Kilala niyo na ba talaga ako?? Tatawanan niyo ba ang isang payaso..??”

Summer ng taong 2003 kakatapos ko lang ng 2nd year college nun. Ok naman ang lahat ng mga nangyayari sa buhay ko masasabi ko na masaya ako sa itinatakbo ng buhay ko.  Ang mga kaibigan ko ay may kanya-kanyang lakad na gustong gawin  para sulitin ang dalawang buwan na bakasyon nila. Ako naman ay hindi makapag enjoy dahil ginawang ‘quarterm’ ang skul namin ibig sabihin apat na semester sa isang taon, nung freshman naman ako hindi ganun bigla na lang nagbago ang sistema dahil sa binili ang iskwelahan namin ng !@#$% mayayaman na yan at ginawang guinea pig kaming mga estudyante na walang kamalay malay sa magaganap na pagbabago( joke lang!! Baka mamaya masalvage ako.. haha!!). Nakakapag-aral lang ako sa paaralan namin dahil sa may ‘EDUCATIONAL PLAN’ ako. Enrollment na ulit.. Sakto!! Pumutok sa mga TV at diyaryo na nalulugi na daw ang mga Educational Plan companies at kabilang na dun ang kumpanya kung saan ‘beneficiaries’ ako at ang kapatid ko. Pinuntahan ko agad ang kumpanya… Ang daming tao sa labas puro magulang at estudyante na nakapila na hinaharangan ng mga guwardiya at parang ‘broken record’ dahil iisa ang sinasabi “Hindi po totoong nalulugi ang kumpanya nag uupgrade lang kami ng sistema para mapadali at maayos ang serbisyo namin..”. (Ano tingin mo sa amin stupid!!!)..

Nagsimula na ang pasukan puro pangako na lang sa kumpanya ang natangap ng aming pamilya. Hangang sa hindi na ako nakapag enroll dahil umaasa lang naman kami sa letseng ‘educational plan’ na yan. Dahil nasa maynila ako at kasama ko ang mga barkada ko na nakatira sa isang apartment sa maynila. Kelangan ko magkatrabaho para sa pagkain at pangbayad sa apartment na nirerentahan namin. Nagdadalawang-isip ako noon kung uuwi na lang ako sa probinsya para maghintay ng pangako ng ‘educational plan company’ o mag stay ako sa maynila. Dahil kapwa estudyante ko ang mga kasama ko sa bahay at pag nawala ako lalaki renta nila magigipit at mapipilitan silang umalis sa kumportable na naming tinutuluyan. Nag desisyon akong
magtrabaho na lang tutal kikita naman ako at hindi pa sila mahihirapan sa buwanang pagbabayad ng renta.

Nag-apply ako sa itago na lang natin sa pangalang ‘McDonalds’. Walking distance lang sa apartment namin katapat niya ay ang isang catholic school at sa tabi ay isang palengke. Sa awa ng Diyos natangap naman ako at pinagsisimula na agad. Pagkatapos kong maasikaso ang lahat ng ‘requirments’ na kelangan ay pinagsimula na agad ako. Tuwing 5am-1pm ang ibinigay sa akin na sked. Dahil katapat nga siya ng isang pribadong catholic school araw-araw ko nasasaksihan ang paghatid at pagsundo ng mga yaya pero mas masaya ako pag nakakita ng magulang na personal na hinahatid at binibilhan ng almusal( syempre McDo breakfast dapat.. hehe!!) ang kanilang anak bago sila pumasok sa opisina. May naging suki kami na customer, mag-asawa sila mukhang mayaman naka ‘corporate attire’ lagi sila pag naghahatid sa unica hija nila, tapos nakasasakyan sila pag hinahatid anak nila at binibilhan ng breakfast ng Mcdo( parang sponsor e noh?!) bago pumasok. Tuwing pagkahatid nila sa anak nila sabay silang nag-aalmusal at nagkwekwentuhan tapos makaraan ang mga 15minuto aalis na sila at didiretso na sa trabaho. Nakakatuwa kasi kahit mayaman na sila at mukhang busy sa trabaho may time pa rin sila ihatid anak nila at may oras pa rin silang mag-asawa para mag-almusal, ngumiti at magtinginan sa mata. Ang sarap nilang tingnan parang ang daming papasok sa isip mo pag nakita mo sila, sila ang naging dahilan kaya naniwala ako sa ‘happy ending’ sila ang naging dahilan kung bakit ginaganahan akong pumasok sa trabaho kahit pagod na ako at nagsasawa sa paulit-ulit na ginagawa ko sa araw-araw na ginawa ng diyos..

Sabado noon, malapit na mag 1pm at malapit na ako mag-out sabi sa akin ng ‘manager’ ko pwede ka ba mag extend? Kahit hanggang 3pm lang.. May party kasi tayo mamayang 2pm-3pm kulang tayo sa crew.. Bigyan nlng kita ng extra meal mamaya. (At dahil nakakinig ako ng “free meal”). Ok lang Sir wala naman akong gagawin mamaya ang dali-dali kong isinagot.. hehehe!! At pagsapit ng 2pm sabi ng manager ko mag handa ka na sa party.. Bigla iniabot sa akin ang isang ube na mala halimaw ang itsura.. Sabi ko ’sir ano to?.. Sabi niya ‘Isuot mo mamaya.. tapos sumayaw ka ng otso-otso (kasi un ang uso that time). Napamura ako!! sa loob-loob ko akala ko naman e mag-aabot lang ako ng pagkain sa mga bata tapos papasayawin mo pa ako ng otso-otso!! Dahil natulala ako sa sinabi ng manager ko nagsalita si “Birdie” sabi niya ‘maghubad ka na at isuot mo tong ‘trash liner’ para hindi mabasa yung loob kasi gagamitin pa yan mamaya sa kasunod na party. Wala akong nagawa kundi maghubad ng uniform ko, binutasan ko ng 3 ang trash liner ng maipasok ko ang ulo at 2 kamay ko, ayan parang basurahan na ako. hehe!! Tinaggal ko kasunod ang sapatos ko at pinalitan ng lampas tuhod na Kulay ube na boots(1st time kong mag boots.. hehe). Pinaluhod ako ni birdie at itaas ko daw ang kamay ko.. At whoaaa!!! Ang galing!!! Ang laking Ube!!! at totoo nga ang kasabihang sa isang iglap ang daming pwedeng mangyari kasi naging Ube ako sa isang iglap.. hahaha!!! At naglakad na kaming 2 ni birdie papuntang 2nd floor kasi doon gaganapin ang ‘party’.. Ang daming sumisigaw na Grimace!! Dito naman!! At narealize ko na  ako pala si Grimace, kasi dati hindi ko alam na grimace pala pangalan niya.. haha!! Bawat hakbang ko feeling ko ang gwapo ko na daming nagtitilian at sumisigaw ng grimace d2 naman!! Tapos ang daming nagpapapicture at take note nakayakap pa sila sa akin habang nakangiting nagpapakuha ng larawan kasama ako. Sa bawat ’say cheese’ ng kumukuha ng camera ngumingiti din ako ng di nga lang halata. Sa Tuwing iindak ako ang dami kong napapangiting matatanda at napapasayaw na mga bata..

Isang taon kong nakalimutan kung sino ako.. Nakalimutan ko lahat ng problema sa buhay ko at mga nangyaring kamalasan sa pag-aaral ko. Hindi ko ikakahiya na ako ay naging isang mascot na kulay ube!! Dahil ang sarap magpasaya ng kapwa..

“Ikaw nakapagpasaya ka na ba?? Masaya ka ba??…”

Bakit part 2??

Salamat nga pala dun sa nagbasa este sa napaclick lang ng link ko kasi kahit ako di ko babasahin ginawa ko sa sobrang haba. hehe!! Salamat nga pala kay ifoundme dahil isa siya sa mga pumipilit sa aking magsulat kahit alam ko ginagamit niya lang kaming mga ka-probinsya ng bf niya at kaya nagpapalakas siya sa amin. haha!! joke!! Nakakatuwa lang magsulat dito dahil ang babait pala ng nasa blog community!! Mabuhay lahat ng nagsusulat at mga ayaw na magkaron ng sugar coated life.

Simulan natin to sa isang pagbati ng isang ‘Happy Anniversary!!’. Isang taon na ang nagdaan may nagbago na ba sa akin? Mali pala tanong ko sa sarili ko dapat eh ano ang nagbago sa akin noon at nagkaganito?? Dahil request to ng ilang kaibigan ko at dahil mga curious(tsismoso at tsismosa) lang daw sila magpangap tayong may book 2 kahit wala naman. hehe!! Eto na ang season finale ng matagal ng closed book na mala TV series na kwentong ‘to.

‘College week’ noon sa school na pinapasukan ko kasali kami sa gaganaping “Battle of the bands”. Busy kami ng mga kabanda ko sa pag-eensayo ng tutugtugin ang di nila alam talagang pinili ko yung kanta na tutugtugin namin dahil (BANDA KO  NAMAN ‘TO!!) wahaha!!. Malapit na magsimula ang “battle of the bands”  at nagkataon na kami ang unang bandang tutugtug( Salamat sa bunutan ng numero!!) at dahil nga kami ang unang tutugtug sa amin nag open curtain ang stage. Pagbukas ng ‘curtain’ nakita ko ang ‘girl of my dreams’ sa may bandang harapan katabi niya yung bestfriend niya, biglang bumilis tibok ng puso ko at kinabahan ako pakiramdam ko magkakamali ako sa pag-gigitara. Pag intro ng “AS LONG AS IT MATTERS – GIN BLOSSOMS” bigla siya napa wow at napangiti at halos magkamali na ako sa aking pag gigitara sa nasaksihan ko na reaksiyon niya. Alam kong favorite song niya yun kasi may tape daw kuya niya nun at lagi niya nakikinig na naging paborito niya na rin. Umuwi kaming talunan nang gabing yun pero panalo ako kasi ang pakay ko lang ay tugtugin sa harap niya ang paborito niyang kanta at makita reaksiyon niya. At umuwi akong may ngiti sa mga labi habang ang mga kabanda ko eh hindi maipinta ang mga mukha!! (Sorry guys!! hehehe!!).

Makaraan ang ilang araw naguusap na kami nagi kaming close dahil nagkataon na lagi kamng seatmates at dahil dun naging mag bestfriend kami di-kinatagalan. Sa isang hapon sa nakakatamad na klase (dahil lang siguro sa nagtuturo.. hehe!!) naka upo ako sa likod niya at nasa harapan ko siya. Tinanong ko siya kung pwede ko hawakan kamay niya. Wala siyang inimik at inabot na lang bigla ang kamay niya sa likuran.. Boom na boom!! Star city at Enchanted Kingdom na pinagsama sama ang aking naramdaman ng magdapo ang aming mga kamay!! Pinagpawisan ako ng matindi at nanginginig pa..  Pagkalabas namin ng hapon niyaya ko siya sa chapel( eto pinaka corny na ginawa ko sabi niya) nagkataon kami lang 2 sa chapel ng school namin noon. Umupo kami na magkatabi bigla ko hinawakan kamay niya at sinabi sa harap niya at ng simbahan na “Mahal na mahal ko po Lord tong babaeng katabi ko ngayon sana siya na ang ibigay niyo para sa akin”. Tapos pagbaba namin ng chapel nakangiti siya sa akin tapos sinabihan akong ang corny mo!! (Akala ko swabe move!).. Wahahaha!

Dumating ang prom night dahil wala akong sasakyan nagpasundo me sa kaibigang si Meyn na may sasakyan ng lolo niya at andun si kaibigang Allan jay at Pol( My name is Paul). Kung gusto niyo ng larawan sabihin niyo lang ng makita niyo si kaibigang Pol( My name is Paul) na bigotilyo. Wahaha!! Pagdating namin sa venue ng prom nakita ko siya na naka “Yellow dress” at talaga namang parang prinsesa ang nakita ko at pakiramdam ko ako ay isang prinsepe na nakakabayo. Dahil parehong kaliwa ang paa ko nahihiya naman akong magsabi ng ‘Shall we dance?’. At dahil sabi nila ang first at last dance ay mahalaga nilakasan ko na loob kong hingin ang kanyang kamay at pumayag naman siya at ang first dance ay nagwakas hanggang last dance…

Isang gabi pagkalabas namin ng practice ng graduation.. Natuto akong mag-inum.. 1st time kong uminom akala nila nag-iinum na ako kasi gawa ng itsura ko mukha kasing adik.. haha!! Kasamo ko ang kaibigan kong si jobel(Repa!) papunta kaming tamabayan sa bahay ng kabarkada naming si jessie para magbasketball. Dahil gusto ko mag-inum at si repa ay ganun din bumili kami ng GIN sa tindahan e dahil high skul pa lang kami nun e patago dapat kasi bawal,  kaya humingi kami ng plastik ng softdrinks at dun namin inilagay, hinati sa dalawa at ininum ang GIN na parang softdrinks lang. Iyon ang unang tikim ko sa alak.

flashback:

Sa classroom inamin ko na mahal ko na siya. Ang tangi niya lang nasabi eh bestfriend kita sa ngayon at ayaw ko masira yun, at the age 25 ko pa balak magkabf dahil madami pa ako plan.. Maiyak-iyak ako sa narinig ko, akala ko talaga kami na or M.U. kami.. Sa madaling sabi nag-assume ang lolo mo!(poor boy).. Pagkalabas namin ng hapon inihatid ko siya sa sakayan ng jeep hindi kami naggagalawan at nag-iimikan. Nakatayo lang kami habang naghihintay ng jeep na kanyang sasakyan pauwi. Makalipas ang 10minuto na paghihintay dumating na ang  jeep na sasakyan sabi niya ‘ sakay na ako..’ Sabi ko naman ‘ sige, ingat ka na lang. At sumakay na siya ng jeep. Nung nakasakay na siya ng jeep bigla siyang bumaba bigla at hinalikan ako sa pisngi then tumakbo siya pasakay ulit ng jeep na parang ‘teary eyes’.. Na shock ako hindi ko alam ang gagawin, kung dapat ko bang habulin ang jeep na kanyang sinasakyan pero dahil iyon ang unang dampi ng labi sa aking pisngi na hindi nagmula sa aking ina hindi ko na nagawang kumilos pa at nagtagal ng ilang minuto na nakatayo lang ako na wala sa aking sarili..

“Hindi kita sasaktan kahit anong mangyari. Kung san ka masaya magiging masaya na din ako para sayo, kaya kahit di mo ako sagutin ok lang basta mag-iingat ka lagi at maging masaya ka. ( Paawa Effect ko nung nanliligaw)”. Pasensya na binuko ko na ang secret weapon nating mga lalaki. Wahaha! Nung umepekto na ung secret weapon at naawa na siya( Wahaha!). Halos araw-araw gumagawa ako ng paraan para makita lang siya at mabigay ang bulaklak at poem na aking ginawa para lamang sa kanya. At sa gayon e makamit ko na sa wakas ang matamis niyang “OO”. Pumupunta ako sa bahay nila dahil sa harap ng magulang niya mapapatunayan ko na seryoso ako sa panliligaw sa kanya. Dahil matalino at sweet ang matsing ang niligawan ko ay yung mama niya nagdadala ako ng bulaklak para sa mama niya at magpapalakas ako sa kuya niya at magpapangap ako na alam ko lahat ng itatanong ng kuya niya kaya naman buong araw kaming mag-uusap ng kuya niya about music na halos di ko na makausap ang talagang sinadya ko dun. paparusahan na naman ako ng mama niya na dito ka na kumain ng hapunan, sa loob-loob ko gusto ko tumangi na kasi nung isang gabi ipinaubos sa akin ung isang buong papaya na hindi ko naman matanggihan kasi nag papa POGI POINTS pa ako sa magulang niya kaya pag uwi ko sa bahay buong gabi akong nasa banyo. Gross!! Wahaha!! As usual hindi na naman makatangi at napilitin me kumain ng talangka, at Isang linggong pangangati gawa ng allergy ang kinahinatnan.

Makaraan ang 5 buwan kong panliligaw nakamit ko rin sa wakas ang matamis niyang OO..

Makalipas ang tatlong taon naming pagsasama hindi na ako ang dating tao sa kwentong ito kinain ako ng sarili ko at ng sistema ng kamaynilaan lumaki ang ulo ko, nakalimutan ko ung hirap na dinaanan ko para mapasagot lang siya dahil dumami ang umaaligid sa aking babae( feeling gwapo!!) at naging kampante ako na hindi naman magsasawa at mapapagod sa akin magmahal yun kasi ako ang first bf niya at gusto niya ako ang makikita niya sa dulo habang ’she’s walking down the aisle’.  Lahat may hangganan, kahit gaano kahaba ang pasensiya nauubos din. Sa haba ng kwentong ito dalawa lang ang natutunan ko ang lalaki sa tagal ng relasyon “Magsasawa” at ang babae “Mapapagod” maghintay na bumalik ang dating nanligaw sa kanya at sinagot niya..

“Makalipas ang anim na taon napagod na siya maghintay na magbalik ang dating ako.. “